Loading...

You're the 1, Goldilocks

Isa na siguro iyon sa mga napakalagim na karanasan sa aking buhay. Pumunta kasi kami ng aking kuya sa isang handaan isang araw bago ang akin...

Isa na siguro iyon sa mga napakalagim na karanasan sa aking buhay.

Pumunta kasi kami ng aking kuya sa isang handaan isang araw bago ang aking kaarawan sa isang eskinitang nasa mabundok na parte ng Olongapo. Sa aking pagkakatanda, iyon ang una kong handaan na in-attendan. Masaya naman kahit papaano. Sumali pa nga kami ni kuya dahil sa isang palaro at nanalo pa kami ng pekeng badminton rackets. Madilim na ng makaalis kami; sinundo na din kami ng ate ko dahil hinahanap na kami sa bahay.

Nang biglang... paghakbang ko, ay wala akong nahakbangan. Mula sa matarik na eskinita ay, gumulong ako hanggang sa paanan ng bundok. Nagulat na lang ang aking mga kapatid na ako ay nagsisisigaw na sa takot at sa sakit na pagkabaldog ng aking ulo at katawan sa matarik at makipot na daanan. Palibhasa'y madulas kaya't nagmistulang balot ako ng dugo at lumot nang nakita ako ng aking mga kapatid. Iyak ako ng iyak.

Dali-dali akong itinakbo sa aming bahay; tinawag ang kapitbahay naming nars upang itsek ang malaking sugat sa aking noo. Wala akong malay ng panahong iyon. Ang kwento sa akin ay kinailangang tahiin ang aking sugat sa noo. Hindi rin ako makalakad nang panahong iyon. Lamog na lamog ang aking mga binti at ang aking mga bisig ay puno ng sugat.

Unang buhay.

Nagpanata sina Mama ko at ang aking mga kapatid para sa aking ikagagaling. Nang sumunod na araw, nagdagsaan ang mga kamag-anak namin sa Olongapo dahil hindi pa rin ako nagkakamalay. Natahi na raw ang aking sugat sa noo. Habang ako'y nagliliwaliw sa kawalan ay nagpipighati ang aming mga kamag-anak, mas lalo na ang aking pamilya dahil sa nangyari. Walang magawa kundi magsisihan ang mga tao sa pangyayari.

Berdey ko noon. Tandang-tanda ko pa na iyon ay ika-31 ng Enero, 1996. Dumating ang aking tito. Paborito kong tito. Naging malapit kami ng aking tito dahil palagai siyang dumadalaw para makipaglaro sa akin, dinadala niya rin ako sa mga bilyaran at binibilhan niya ako ng mga laruang kotse. Sabi niya sa akin kaya daw niya ako dinadala parati sa bilyaran at binibilihan ng kung anu-ano ay dahil lucky charm niya raw ako. Nagkatrabaho siya sa ibang bansa at nakapagpundar ng mga ari-arian ng mga panahong palang kasa-kasama niya ako. Siguro, kaya rin ako nahilig sa aking kurso, Mechanical Engineering, dahil na rin siguro sa gustong-gusto ko ang mga laruang kotseng idinadala niya sa akin noon. Siya rin kasi ang nagsabi sa akin na isa siyang inhinyero sa ibang bansa at kinukwentuhan niya ako ng mga tungkol sa kanyang trabaho.

Nagising ako. Akmang kinakantahan niya ako ng paborito kong kanta noon. "You're My Everything" Paggising ko naman, ay ngiti lang ang sumalubong sa akin; ngiti din ang unang mamumutawi sa aking labi. Nagdala siya ng paborito kong keyk mula sa Goldilocks. Yung mocha na roll. Yun lang kasi ang requirement ko nung bata ko kapag berdey ko at kailangan siya ang may dala. Isang Goldilocks mocha roll, masaya na ako. Yun na siguro ang dahilan kung bakit You're the 1, Goldilocks... ito lang kasi ang hinihingi ko parati nung aking kabataan. Noon iyon.

Akala ko masaya na ang araw na iyon. Ngunit, hindi ko alam na noon ko na lang pala huling masisilayan si Tito Aniano. Hindi ko lubos maisip hanggang ngayon bakit ako pinili ng Diyos na manatili sa mundo at kailangan niyang kunin ang buhay ni Tito.

Habang minamaneho niya ang kanyang sasakyan pauwi ng Pampanga, kung saan siya naninirahan nang panahong iyon, ay nabanga ang kanyang kotse at halos tumilapon sa bangin. Nagulat na lang ako ilang oras pagkatapos niyang bumisita ay tinawagan agad ang Mama ko ukol sa balitang iyon.

Malungkot man ang araw na iyon, pinasaya ako ng tito ko sa huling mga oras ng kanyang buhay. Hindi ko mapigilang umiyak; kahit mura ang aking isipan, hindi maiaalis kung gaano ko kamahal at kaimportante ang Tito Aniano ko para sa akin. Napasakit na kaarawan.

Siguro, sa bawat kaarawang lumilipas ko nawala na ang aking tito - ang Goldilocks mocha roll ang nagsisilbing ala-ala niya na talagang tumatak sa akin. Hanggang sa ngayon, iyon pa din ang hindi pwedeng mawala sa aking mga kaarawang lumilipas.

Hindi na siguro babalik si Tito Aniano pero sa aking paningin, ipinalit niya ang kanyang buhay para sa ikalawang buhay ko. Hindi na rin siguro mawawala ang aking pagkahilig sa Goldilocks mocha roll. Para sa akin, you're the one, Goldilocks, hindi lang basta dahil sa keyk na inihahanda sa berdey ko pero dahil isa na rin itong malaking parte ng buhay ko -nagpapaalala sa akin ng taong naging isang malaking bahagi at inspirasyon ko kung bakit ako nag-aaral ng mabuti sa ngayon at sinisikap ko maging mabuting tao para sa aking pamilya at mga nagmamahal sa akin.



Tragedy 4442525903630791650

Post a Comment

1 comment

Mark Sherwin said...

awww. this is adding my lonely mood tonight.

wait lang. para ba 'to sa contest sa goldilocks (kung meron nga)? disturbing lang kasi yung frequent mentioning ng goldilocks. XD

Home item

ADS

Popular Posts

Random Posts

Flickr Photo